MANILA, Philippines — Nakapag-ensayo na si team captain Alyssa Valdez kasama ang teammates nito sa Creamline Cool Smashers.
Bago tumulak patungong Thailand, nasilayan si Valdez sa training ng Cool Smashers — bagay na nagpalakas sa tsansang posibleng maglaro ito sa Asean Grand Prix.
Galing si Valdez sa sakit matapos tamaan ng dengue.
Wala pang linaw kung maglalaro ito sa Grand Prix ngunit kasama ito ng delegasyong tutulak pa-Thailand.
Nakatakdang umalis ngayong hapon ang Creamline Cool Smashers patungong Nakhon Ratchasima, Thailand upang muling katawanin ang bansa sa Asean Grand Prix na nakatakda sa Setyembre 9 hanggang 11.
Lilipad ang Cool Smashers patungong Bangkok sa alas-2:45 ngayong hapon.
Mula sa Bangkok, tutulak ang delegasyon sa isang three-hour bus ride patungong Nakhon Ratchasima na siyang magiging venue ng three-day tournament.
Nakapag-ensayo na ang Cool Smashers matapos ang kampanya nito sa katatapos na Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umaasa si Cool Smashers head coach Sherwin Meneses na madudugtungan ng kanilang tropa ang magandang kampanya nito sa AVC Cup.
Matatandaang nakuha ng Cool Smashers ang ikaanim na puwesto — ang pinakamataas na puwestong nakuha ng Pilipinas sa isang Asian tournament sapul noong 1983.
Dadalhin ng Cool Smashers ang momento sa Asean Grand Prix kung saan makakasagupa ng tropa ang matitikas na koponan ng Thailand, Vietnam at Indonesia.
Makakasama ni Valdez sina playmaker Jia Morado, two-time PVL MVP Tots Carlos, outside hitter Jema Galanza at opposite spiker Michele Gumabao.
Aariba rin sina middle blocker Jeanette Panaga, Celine Domingo at Risa Sato gayundin sina Rosemarie Vargas, Rizza Mandapat at libero Kyla Atienza.