MANILA, Philippines — Muling gumawa ng kasaysayan si Micaela Jasmine Mojdeh matapos masikwat ang ika-13 puwesto sa women’s 100m butterfly sa prestihiyosong 8th FINA World Junior Swimming Championships na ginaganap sa Lima, Peru.
Nagrehistro ang Swim League Philippines-Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) tanker ng isang minuto at 3.60 segundo sa semifinals.
Mas maganda ito sa 1:03.82 na naitala ni Mojdeh sa preliminary round na nagbigay sa kanya ng tiket sa 16-swimmer semifinal round.
Si Mojdeh ang ikalawang Pilipino na nakatungtong sa semifinals ng World Junior Swimming Championships kaya naman lubos ang kasiyahan ng buong delegasyon ng Pilipinas sa naturang world meet.
“Jasmine Mojdeh registers an improved time of 1:03.43 in the semifinals of the Girls’ 100m Butterfly to climb up to 13th place. Way to go Jasmine,” ayon sa post ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) Facebook page.
Si Mojdeh ay produkto ni dating swimming great Susan Papa na presidente ng Philippine Swimming League (PSL).
Nagtapos naman sa ika-10 puwesto ang women’s 4x100m Freestyle Relay team ng Pilipinas na binubuo nina Mojdeh, Heather White, Mishka Sy at Amina Bungubung.
Nagtala ang Pinay tankers ng 4:08.89.
Sa women’s 50m freestyle, nasa ika-21 puwesto si White matapos magsumite ng 27.40 segundo habang ika-21 naman si Bungubung na mayroong 28.84 na nakuha.
Tumapos naman sa ika-29 posisyon si Gian Santos sa men’s 400m Individual Medley kung saan nagsumite ito ng 4:49.80.
Sa men’s 100m freestyle, nasa ika-58 si Ruben White tangan ang 54.40 segundo habang ika-66 naman si Joshua Ang na may 54.94 segundo.