MANILA, Philippines — Napansin ng Malacañang ang tagumpay ni Tokyo Olympics veteran Ernest John Obiena sa international competitions.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagbigay ng congratulatory message kay Obiena nang magwagi ito ng gintong medalya sa 26th Internationales Stabhochsprung-Meeting na ginanap sa Jockrim, Germany.
Nasikwat ni Obiena ang ginto nang magtala ito ng 5.81 metro noong Martes.
Kaya naman nag-iwan ng magandang mensahe si Marcos sa kanyang social media account.
“Isang maligayang pagbati para sa ating atleta na si EJ Obiena sa kanyang pagkapanalo ng gintong medalya,” ani Marcos.
Hanga si Marcos sa husay at galing ni Obiena na kasalukuyang Asian record holder sa men’s pole vault.
Magandang ehemplo si Obiena para sa mga kabataang nagnanais maging matagumpay sa larangan ng sports.
“Ang pinakitang gilas ni EJ sa larangan ng pole vault ay isang katangiang maaaring tularan ng mga kabataang nangangarap na maging isang atleta,” dagdag ni Marcos.
Agad namang nagpasalamat si Obiena sa mainit na mensahe ng pangulo.
“Maraming salamat po, President Bongbong Marcos, for the congratulatory message and recognition. I hope I did the country proud,” ani Obiena sa kanyang sariling post sa social media.
Dahil sa kanyang tagumpay sa Germany, nakasiguro na rin si Obiena ng tiket sa 2023 World Athletics Championships na gaganapin sa Budapest, Hungary.