MANILA, Philippines — Nagningning sina Thanya Dela Cruz at Czarina Cavite ng Davao Del Norte sa 2022 FINIS Short Course Swimming National Finals na ginanap sa Olympic-sized New Clark Aquatics Center sa Capas, Tarlac kahapon.
Nagreyna si Dela Cruz sa girls 19-over 100m breaststroke sa bilis na 1:14.16 kontra kina Adriana Yulo ng Iloilo Tiger Shark Swim Team (1:22.65) at Danielle Patricia Valenzuela ng Megakraken Swim Team (1:28.54).
Sa kabilang banda, hataw si Cavite ng DavNor Blue Marlins Swim Team sa tatlong events sa girls 9-10 kung saan nanguna ito sa 100m IM (1:28.83), 100m butterfly ( 1:32.29) at 50m freestyle (35.41).
“Masayang masaya po ako. Talagang pinagbutihan ko po para sa aking team, kay coach at sa mga sponsors namin,” ani Cavite.
Masaya si FINIS Managing Director Vince Garcia sa matagumpay na pagdaraos ng torneo.
“Sobrang saya namin. Yung makita mo lang na maraming kabataang swimmers ang nabibigyan mo ng tsansa na mag-excell, sapat na para sa pinagpaguran namin. Hindi tayo natatapos dito,” ani Garcia.
Wagi rin ng ginto sina Benito De Mesa ng Aqua sa boys 7-8 10-m Individual Medley (1:58.99); Albyn Martin ng North Cotabato sa boys 9-10 IM (1:27.83); Arriana Cesista ng Thresher Shark isa girls 7-8 100-m IM (1:44.60); at Daniel Ocampo ng Dax Swim sa boys 11-12 100-m IM (1:13.02).