SMB vs TNT sa Philippines cup finale
MANILA, Philippines — Ang San Miguel ang maghahamon sa nagdedepensang TNT Tropang Giga sa 2022 PBA Philippine Cup championship series.
Pinabagsak ng Beermen ang Bolts, 100-89, sa ‘winner-take-all’ Game Seven ng kanilang semifinals showdown para umabante sa Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 29 points at 14 rebounds sa pagtiklop ng San Miguel sa kanilang best-of-seven semis wars ng Meralco sa 4-3.
Didribol ang title series ng SMB at TNT sa Linggo sa Big Dome.
“Talagang gruelling series ito eh, from the start. Ine-expect talaga namin ito from Meralco,” ani coach Leo Austria. “This series will give us some character.”
Ito ang ika-43 Finals appearance ng Beermen target ang pang-28 korona.
Huling nagkampeon ang SMB noong 2019 nang pagharian ang Philippine Cup at Commissioner’s at nabigong makopo ang ikalawang Grand Slam matapos noong 1989.
Bigo naman ang Meralco sa asam nilang unang Philippine Cup Finals.
Binuksan ng Beermen ang laro sa 20-6 na kanilang pinalaki sa 22-point lead, 79-57, mula sa three-point play ni Fajardo kay Raymond Almazan sa 9:42 minuto ng fourth period.
Hindi sumuko ang Bolts nang makadikit sa 70-81 matapos maghulog ng 13-2 bomba sa likod nina Chris Banchero, Aaron Black,Chris Newsome at Cliff Hodge sa 7:14 minuto laro.
Huling nagbanta ang Meralco sa 87-96 mula sa dalawang free throws ni Black sa nalalabing 54.3 segundo.
- Latest