MANILA, Philippines — Muling magkukrus ang landas ng Open Conference champion Creamline at King Whale Taipei sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference na papalo ngayong araw sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Cool Smashers at King Whale sa alas-5:30 ng hapon sa winner-take-all match habang maghaharap naman ang Cignal at PLDT Home Fibr sa alas-2:30 ng hapon sa battle-for-bronze game.
Naitarak ng King Whale ang pahirapang 25-15, 17-25, 25-22, 24-26, 15-5 panalo laban sa Creamline sa kanilang unang paghaharap noong Biyernes.
Bangas ang lineup ng Creamline sa naturang laro matapos hindi masilayan sa aksyon sina starting players Jema Galanza at Jeanette Panaga.
Nagtamo pa ng sprain si team captain Alyssa Valdez sa huling bahagi ng third set.
Ngunit sa pagpasok ng finals, inaasahang ibubuhos na ng Creamline ang buong puwersa nito para masiguro ang ikalawang sunod na korona sa liga matapos pagreynahan ang Open Conference noong summer.
Aminado ang King Whale na mapapalaban ito ng husto kaya’t inaasahang ilalatag din nito ang lahat ng alas nila para makuha ang kampeonato.
“Because Creamline is a great team in the Philippines, in our two-day break we have to do our (best) effort,” ani King Whale head coach Teng Yen-Min.
Sasandalan ng King Whale si Brazilian import Beatriz Flavio de Carvalho na kumana ng 24 puntos mula sa 19 attacks, tatlong aces at dalawang blocks laban sa Cool Smashers.
Makakatuwang ni Carvalho sina Chen Li-Jun at Chang Chih-Hsuan na may double digits din sa kanilang huling laro.
Alam ng Taiwanese squad ang laro ni Valdez dahil nagsilbi itong import ng Attack Line sa Taiwa-nese league.
Samantala, magarbong tinapos ng King Whale ang semifinal round matapos pataubin ang Cignal, 25-18,15-25, 25-21, 25-22 desisyon.
May 4-0 rekord ang King Whale habang bagsak sa 1-3 ang HD Spikers.