Kidapawan, DavNor swimmers magilas sa FINIS Mindanao leg

Pumosisyon ang mga swimmers para sa kanilang pag-dive sa 2022 FINIS Short Course Swim Series.
STAR/File

MANILA, Philippines — Umagaw ng eksena ang mga tankers ng Kidapawan Long Wave Swim Team at DavNor Blu Marlins Swim Team sa Mindanao leg ng 2022 FINIS Short Course Swim Series sa Governor Douglas RA Cagas Sports, Cultural and Business Complex sa Matti. Davao del Sur.

Sinabi ni FINIS Phi­lippines Managing Director Vince Garcia na ang dalawang araw na event ay nagsisilbing qualifying para sa National Finals na nakatakda sa Agosto 20-21 sa New Clark Swimming Pool sa Tarlac.

Papasok sa national finals ang top 16 swimmers sa bawat event.

“Mahigit 100 koponan ang sumali sa huling leg ng serye dahil nakataya ang mga puwesto para sa National Finals,” wika ni Garcia. “Natuwa rin sila sa programa natin.”

Wagi sa kanilang mga events sina Kail Kahulugan, Jacob Ansale, Leo­nard Odell Narreto, Teofh Velez, Czarina Cavite, Shan Cyril Luga, Anthony Acedo, Ethan Bazylewicz, Rain Andrei Tumulac, John Bem Batalla, Hansel Sarayan, Kate Ytang, Jahred Carlos Basan at Zabrinah Pailagao.

Malalaking premyo ang naghihintay sa National Finals kabilang ang trai­ning package para sa mga atleta na makakabura ng national record.

Ang Mindanao leg ay sentro ng FINIS-organized Davao Del Sur Aquatics Challenge ngayong buwan dahil gaganapin din sa lalawigan ang Finis Passig Islet 5K Open Water Swim Challenge sa Agosto 27 at ang Kids of Steel Triathlon Finis Green Aquathlon sa Agosto 28 sa Digos City.

Show comments