Tropang Giga dikit na sa Finals
MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga para sa pagbabalik sa PBA Finals ng Philippine Cup.
Umalagwa ang Tropang Giga sa third period patungo sa 102-84 paggiba sa Magnolia Hotshots sa Game Four ng kanilang semifinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Inangkin ng TNT ang 3-1 bentahe sa kanilang best-of-seven duel ng Magnolia para sa inaasam na ikalawang sunod na PBA All-Filipino Cup Finals.
“We just as usual, we always look at whatever defensive adjustment we can make,” sabi ni coach Chot Reyes. “We knew that Magnolia will come out hard, but these guys I think they’re ready.”
Nagsumite si Poy Erram ng 19 markers at 13 rebounds habang may 18 at 15 points sina RR Pogoy at Troy Rosario, ayon sa pagkakasunod.
Iniskor naman ni Mikey Williams ang 14 sa kanyang 15 points sa fourth quarter para ibigay sa Tropang Giga ang 90-69 abante sa pitong minuto nito.
Nagtala si Ian Sangalang ng 19 points para pamunuan ang Hotshots at may 17 at 14 markers sina Paul Lee at Aris Dionisio, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, tumipa si guard Aaron Black ng 21 points, 7 rebounds at 7 assists para pamunuan ang Meralco sa 111-97 paggupo sa San Miguel at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Nagdagdag si Allein Maliksi ng 19 markers tampok ang apat na triples.
“Aaron came out and was very aggressive right from the start,” ani Bolts’ coach Norman Black sa kanyang anak. “Other guys like Allein Maliksi also came out and shot the ball very very well.”
- Latest