Cool Smashers solo lider na

Hinatawan ni Rachel Anna Daquis ng Cignal HD si Joanne Bunag ng Army.
PVL photo release

Cignal pinagbakasyon na ang Army

MANILA, Philippines — Kinailangan ng Open Conference champion Creamline na magbanat ng buto bago kubrahin ang 22-25, 25-27, 25-21, 25-19, 15-12, come-from-behind win laban sa PLDT Home Fibr upang manatiling malinis ang rekord nito sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference semifinal round kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Nasikwat ng Cool Smashers ang ikalawang sunod na panalo sa semis para masolo ang liderato.

Kumuha ng malakas na puwersa ang Creamline kay Open Conference MVP Tots Carlos na humataw ng malaking puntos kabilang ang game-winning block para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.

Malaki rin ang kontribus­yon nina team captain Alyssa Valdez, middle blocker Jeanette Panaga at Jema Galanza habang nagbigay  si libero Kyla Atienza ng 23 digs at 17 receptions para tulungan si playmaker Jia Morado na makagawa ng plays sa kanyang mga teammates.

Nahulog naman ang High Speed Hitters sa ikalawang puwesto tangan ang 2-1 baraha.

Sa unang laro, dumaan muna sa butas ng kara­yom ang Cignal HD bago kunin ang pahiarapang 26-24, 26-28, 25-18, 18-25, 16-14 desisyon laban sa Philippine Army upang sumampa sa win column.

Mainit si middle blocker Ria Meneses nang magpako ito ng 23 puntos tampok ang 21 attacks para umangat ang HD Spikers sa 1-1 baraha.

Tuluyan nang nahulog sa 0-3 ang Lady Troopers para masibak sa kontensiyon.

Samantala, hindi na makalalaro pa ang Kobe Shinwa Women’s University ng Japan matapos magpositibo ang isa sa mga players nito.

Show comments