High Speed Hitters puntirya ang 2-0
MANILA, Philippines — Target ng PLDT na masikwat ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap nito sa Cignal HD ngayong araw sa pagpapatuloy ng semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Magtutuos ang High Speed Hitters at HD Spikers sa alas-5:30 ng hapon matapos ang duwelo ng reigning Open Conference champion Creamline at Philippine Army sa alas-2:30 ng hapon.
Mainit na sinimulan ng High Speed Hitters ang semis nang ilampaso nito ang Lady Troopers sa iskor na 25-22, 25-18, 25-21 sa opening day ng semis noong Martes.
Kaya naman mataas ang moral ng PLDT na harapin ang kanilang sister team na Cignal.
“We’re taking it step-by-step, one game at a time until we reach our goal. At least, little-by-little, we’re getting there. We just have to be consistent to be able to sustain our run,” ani PLDT head coach George Pascua.
Sasandalan ng High Speed Hitters si middle blocker Mika Reyes na malaki ang improvement ng laro sa season na ito.
Nagtala si Reyes ng 16 puntos sa kanilang panalo kontra sa Lady Troopers.
Ngunit maganda rin ang mga laro ng kanyang teammates gaya ni national mainstay Dell Palomata gayundin nina Jules Samonte, Fiola Ceballos at playmaker Rhea Dimaculangan.
Nais naman ng HD Spikers na makabalik sa porma matapos lumasap ng dalawang sunod na kabiguan sa pagtatapos ng eliminasyon.
Wala pang linaw kung makalalaro si top scorer Ces Molina na nagtamo ng injury sa eliminasyon.
Kaya naman kailangang kumayod ng husto nina Rachel Anne Daquis, Chay Troncoso at Roselyn Doria para manatiling mabagsik ang kanilang front line.
- Latest