High Speed Hitters nakaisa na sa semis

MANILA, Philippines — Mainit na sinimulan ng PLDT ang kampanya nito sa semis matapos pasukuin ang Philippine Army sa pamamagitan ng 25-22, 25-18, 25-21 demolisyon kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa The Arena sa San Juan City.
Umaalab ang palad ni middle blocker Mika Reyes nang magpasabog ito ng 16 puntos tampok ang 15 attacks para dalhin ang High Speed Hitters sa 1-0 rekord sa semis.
Nakakuha si Reyes ng solidong suporta mula sa kanyang mga katropa kabilang na si middle blocker Dell Palomata na bumanat ng 12 puntos.
Nagrehistro naman si Chin Chin Basas ng 11 markers habang may all-around game si Fiola Ceballos na may 10 puntos, 15 digs at 14 receptions.
Nakagawa naman si outside hitter Jules Samonte ng siyam na puntos at 12 digs.
Ramdam ang presensiya ni playmaker Rhea Dimaculangan na may 24 excellent sets para sa PLDT kumpara sa pitong sets lamang na nagawa ni Army top setter Ivy Perez.
Umiskor si Honey Royse Tubino ng 10 puntos para sa Lady Troopers na nahulog sa 0-1 baraha.
Wala nang iba pang miyembro ng Army ang nagtala ng double digits kung saan tanging walo ang nagawa ni Nene Bautista at anim mula kay Mary Jean Balse.
Nalimitahan din si team captain Jovelyn Gonzaga sa anim na puntos.
Malayo ang High Speed Hitters kung attacks ang pag-uusapan kung saan nakalikom ito ng 52 hits laban sa 39 ng Lady Troopers.
Nakaungos din ang PLDT sa blocks (4-1) at aces (6-3).
Magpapatuloy ang aksyon bukas kung saan magtutuos ang PLDT at Cignal sa alas-5:30 ng hapon habang titipanin naman ng Army ang Open Conference reigning champion Creamline sa alas-2:30 ng hapon.
- Latest