2023 FIBA World Cup plan inilatag ng SBP
MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para masiguro ang matagumpay na pagdaraos ng prestihiyosong FIBA World Cup na gaganapin sa Pilipinas sa susunod na taon.
Inilatag ng SBP ang lahat ng plano nito para sa World Cup na gaganapin sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10, 2023 kung saan makakatuwang ng Pilipinas ang Japan at Indonesia bilang co-hosts.
Nakipagpulong ang SBP sa mga stakeholders sa pangunguna nina SBP chairman Sen. Sonny Angara at SBP president Al Panlilio kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang liga gaya ng Philippine Basketball Association (PBA), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), National Collegiate Athletic Association (NCAA) at iba pang basketball organizations.
“Showcasing the Philippines, this will be the biggest basketball event to be hosted in the country. Since 1978, we have not hosted a tournament of this magnitude,” ani Panlilio.
Bumuo na ang SBP ng local organizing committee na siyang mangangalaga sa pagdaraos ng torneo.
May 40 laro ang gaganapin sa qualifying event kung saan ang Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena ang magsisilbing venues.
Idaraos naman ang 12 laro sa final round sa pamosong Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sisimulan sa Agosto 27 ang countdown habang sa Abril naman idaraos ang drawing of lots para madetermina ang mga magkakasama sa group stage.
Tinalakay din ang pagbuo ng pinakamalakas na koponang isasabak sa World Cup.
Pormal na ring itinalaga sina multi-titled coach Tim Cone at UAAP champion coach Goldwyn Monteverde bilang bahagi ng coaching staff ng Gilas Pilipinas. Kasama rin sina veteran international coaches Nenad Vucinic at Jong Uichico.
- Latest