SLP, FINIS tutuklas ng bagong talento

Sina (mula kaliwa) coach Vince Garcia, Managing Director ng FINIS Philippines, Behrouz owner Harold Mohammad Mojdeh at SLP team manager Joan Mojdeh na panauhin sa TOPS ‘ Usapang Sports’ .
STAR/File

MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang Swim League Philippines (SLP) at FINIS Philippines upang makatuklas ng mahuhusay na swimmers mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay SLP team manager Joan Mojdeh, walang tigil ang kanilang asosasyon sa pagdaraos ng buwanang kumpetisyon upang makahanap ng mga bagitong tankers na may naitatagong husay.

Ang mga mapipiling swimmers ay huhubugin ng SLP para ipadala sa malalaking international competitions sa Amerika, Canada, Japan, France, Australia, Thailand at S­inga­­pore.

“We’re happy sa nakikita naming turn-out ng mga participants sa local tournaments. On our case, sa SLP tuluy-tuloy kasi yung aming monthly tournaments and collaboration sa mga provincial club,” ani Mojdeh sa ginanap na face-to-face Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.

Magdaraos ang SLP ng swimming competition sa Agosto sa Sta. Rosa, Laguna na magsisilbing qualifying event para sa international tournament sa Vietnam.

Ang mga mapipiling swimmers ay ilalagay sa Behrouz Elite Swimming Team (BEST) na siyang dadalhing team para katawanin ang Pilipinas sa international tournament.

Maliban kay Micaela Jasmine, produkto rin ng SLP sina Ruben White at Heather White gayundin si Amina Isabelle Bungubung.

Ang apat na tankers ay bahagi ng national team na magtatangkang humakot ng gintong medalya sa World Junior Swimming Championships sa Agosto 30  hanggang Setyembre 4 sa Lima, Peru.

Sang-ayon si triathlon coach Vince Garcia, Ma­naging Director ng FINIS Philippines, sa mga sinabi ni Mojdeh.

Naniniwala ito sa prog­rama ng SLP kilala sa mga asosasyon na nagpapala­kas ng mga swimmers sa bansa.

Show comments