Tropang Giga, SMB diretso sa semis

MANILA, Philippines — Mabilis na iniligpit ng No. 2 TNT Tropang Giga ang No. 7 Converge, 116-95, sa kanilang quarterfinals match papasok sa semifinal round ng 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si Mikey Williams ng 26 points tampok ang apat na three-point shots at may 18, 16, 15 at 10 markers sina Troy Rosario, RR Pogoy, Jayson Castro at Kelly Williams, ayon sa pagkakasunod.
“We got to get back to the lab, we have the semis to look forward to. We just gotta wait for our opponent and continue to work.” ani Williams na kamakalawa ay pumirma ng three-year contract extension.
Lalabanan ng TNT ang mananalo sa quarterfinals duel ng No. 3 Magnolia at No. 6 NLEX sa isang best-of-seven semis series.
Pinamunuan ni Tyrus Hill ang Converge sa kanyang 18 points.
Matapos umiskor ng dalawang puntos sa first period ay nagpasabog si Williams ng 22 points sa second quarter tampok ang apat na triples para sa 70-42 pagbaon ng Tropang Giga sa FiberXers sa halftime.
Sa nasabing yugto ay nagsalpak ang TNT ng 11-of-18 shooting sa 3-point range kumpara sa 3-of-11 clip ng Converge.
Ang dalawang free throws ni Williams ang nagposte sa 31-point lead, 8-56, ng Tropang Giga sa 5:08 minuto ng third canto.
Samantala, pinatalsik ng No. 1 San Miguel ang No. 8 Blackwater, 123-93, para umabante sa best-of-seven semis series katapat ang mananalo sa quarterfinals showdown ng No. 4 Ginebra at No. 5 Meralco.
Kumamada sina CJ Perez at Marcio Lassiter ng tig-18 points para sa Beermen na nakahugot kay Jericho Cruz ng 17 markers.
- Latest