Unang Pinoy na nanalo ng medalya sa World Championships EJ umukit ng kasaysayan!
MANILA, Philippines — Hindi man gold medal ang kanyang nakamit ay nakagawa pa rin ng kasaysayan si national pole vaulter Ernest John Obiena.
Lumundag si Obiena ng 5.94 meters para angkinin ang bronze medal sa 2022 World Athletics Championships kahapon sa Eugene, Oregon.
Ang nasabing performance ng World No. 6 pole vaulter ay isa ring bagong Asian record at kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa world championships.
“2022 World Athletics Championships. Philippines is the best in Asia for pole vault. And 3rd best in the world,” sigaw ng 6-foot-2 na si Obiena sa kanyang Facebook post. “Hungry for more cookie. The best is yet to come.”
Sinira ng two-time Southeast Asian Games gold medalist ang dati niyang personal best na 5.93m na itinala niya sa International Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria.
Nauna nang nabigo ang 26-anyos na si Obiena noong 2019 edition ng world championships nang hindi makausad sa final 12.
Madali niyang natalon ang 5.55m sa kanyang first attempt, ang 5.70m sa second attempt at 5.80m at 5.87m sa first attempt.
Inangkin ni world record-holder at Olympic Games winner Armand Duplantis ng Sweden ang gold medal sa pagpoposte ng bagong world record na 6.21m habang si American Chris Nilsen ang kumuha sa silver sa nilundag na 5.94m.
Naagaw ni Nilsen ang silver medal kay Obiena via countback nang makuha ng American ang 5.94m sa kanyang first attempt habang nailista ito ng Pinoy bet sa second attempt.
Inaasahang makakatanggap si Obiena ng cash incentive mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at sa Philippine Olympic Committee (POC).
- Latest