MANILA, Philippines — Dagdag na P500,000 ang matatanggap ni Fil-Japanese karateka Junna Tsukii dahil sa kanyang pag-angkin sa gold medal sa nakaraang World Games sa Birmingham, Alabama.
Ang nasabing cash incentive mula sa Philippine Olympic Committee (POC) ay hiwalay sa ibibigay na P1 milyon ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Bumalik na po ako. Salamat po,” sabi ng 30-anyos na si Tsukii sa kanyang pag-uwi sa bansa kamakalawa.
Sinabi ni POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na pinahahalagahan nila ang ibinigay na karangalan ng 31st Southeast Asian Games gold medalist.
“The POC recognizes Junna’s feat with honor, it wasn’t the Olympics but the World Games are that tough a competition,” wika ng Tagaytay City Mayor.
Samantala, nagbigay ang POC ng tulong pinansyal na P100,000 para kay track legend Lydia de Vega-Mercado na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sanhi ng Stage Four breast cancer.
Bukod ito sa sariling P100,000 ni Tolentino para sa dating ‘Asia’ sprint queen’ na nasa Makati Medical Center.