MANILA, Philippines — Sinamantala ng Philippine Army ang pagkawala ng ilang key players ng Choco Mucho upang itakas ang 25-22, 22-25, 26-24, 25-19 panalo kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa The Arena sa San Juan City.
Nakakuha ng malakas na puwersa ang Lady Troopers kay opposite hitter Jovelyn Gonzaga na humataw ng 13 puntos at 19 receptions para dalhin ang kanilang tropa sa ikalawang panalo sa tatlong pagsalang.
Nakatuwang ni Gonzaga sa opensa si middle blocker Mary Anne Esguerra na may 10 puntos habang nagdagdag si wing spiker Nene Bautista ng siyam na puntos at 18 digs.
Nakakuha pa si Honey Royse Tubino ng limang puntos kabilang ang game-winning hit habang minanduhan ni playmaker Ivy Perez ang setting department para maka-alagwa ng todo ang kanilang tropa.
Nagtala si Perez ng 27 excellent sets kasama pa ang siyam na puntos at pitong digs.
“Wala naman nagbago sa team. Yung morale ng team mataas talaga, naglalaro lang kami hindi kami masyado nara-rarttle. Isa lang naman gusto naming puntahan yung manalo,” ani Perez.
Hindi nakapaglaro sina top scorer Kat Tolentino, outside hitter Des Cheng at middle blocker Cherry Nunag dahilan upang hirap na makasabay ang Flying Titans.
Nakalikom si Caitlyn Viray ng 15 markers para sa Choco Mucho samantalang may 10 hits naman si Aduke Ogunsanya ngunit hindi na ito nasilayan sa fourth set matapos magtamo ng sprain.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Flying Titans para mahulog sa 1-2 rekord.