MANILA, Philippines — Nasungkit ng Philippine women’s football team ang kanilang kauna-unahang titulo sa AFF Women’s Championship matapos nilang pataubin ang Thailand, 3-0, sa final sa Rizal Memorial Stadium Linggo nang gabi.
Nasilayan ng mahigit 8,000 fans ang makasaysayang panalo ng "Filipinas" na sasabak rin sa kanilang unang FIBA World Cup sa 2023.
Pinangunahan nina Jessika Cowart at Katrina Guillou ang paglampaso sa Thailand sa kanilang dalawang goals sa first half na nag-angat sa Pilipinas, 2-0.
Mula sa isang corner kick ni team captain Tahnai Annis, nakapuntos gamit ng header si Cowart sa 8th minute ng laro na agad namang sinundan ni Guillou sa 20th minute.
Tuluyang tinuldukan ni Sarah Bolden ang pag-asa ng kanilang karibal matapos niyang itala ang kanyang 8th goal sa liga sa 89th minute ng laro.
Matatandaang tinalo ng Thailand ang mga Pinay footballers, 1-0, sa kanilang unang pagtutuos nitong nakaraang linggo.
Patuloy ang makasaysayang taon ng Filipinas na umabot rin sa semifinals ng AFC Women’s Asia Cup, nagtamo ng bronze sa South East Asian Games, at ngayon ay naging kampyon sa AFF Women’s Championship.
Pinaabutan na ng pagbati ni Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang women’s national football team sa kanyang Facebook page.
Samantala, nakuha naman ng Myanmar ang bronze ng kompetisyon matapos nilang makalusot sa Vietnam — na tinalo ng Pilipinas sa semifinals, 4-3 — sa kanilang battle for third. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz