WBC belt idedepensa ni Magsayo vs Vargas
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ni World Boxing Council (WBC) featherweight champion Mark Magsayo ang buong lakas nito sa kanyang title defense laban kay Mexican fighter Rey Vargas ngayong araw sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Parehong pasok sa timbang sina Magsayo at Vargas na kapwa nagtala ng 125.5 pounds sa official weigh-in kahapon.
Optimistiko si Magsayo sa magiging laban nito matapos sumailalim sa matinding pagsasanay kasama si Hall of Famer trainer Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Preparado na ang magiging taktika ni Magsayo dahil makailang ulit nitong pinanood ang ilang laban ni Vargas upang makabisado ang bawat galaw nito.
Determinado si Magsayo na madepensahan ang kanyang titulo kaya’t binalaan nito si Vargas na huwag magtatakbo upang maging maganda ang laban.
“I’m not worried. I’m the best in my division so my confidence is high. You have never fought a guy like me. I hope Rey Vargas doesn’t run too much so that we can give a good fight,” ani Magsayo.
Kumasa naman si Vargas sa hamon.
Handa ang dating WBC super bantamweight champion na makipagsabayan upang maagaw ang korona ng Pinoy champion.
At naniniwala ang Mexican na kaya nitong mapatumba si Magsayo.
“If you wanna exchange blows, I’m more than happy to do it,” ani Vargas.
Naghanda rin ng sariling game plan si Vargas na ilalatag nito sa anumang bombang pasasabugin ni Magsayo.
- Latest