Gilas Women laglag sa battle-for-bronze

Kristan Yumul/
FIBA

MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Women under-16 squad na sumampa sa Division A matapos matalo sa semifinals ng FIBA Women’s Under-16 Asian Championship’s Division B sa Prince Hamza Sports Hall sa Amman, Jordan.

Lumasap ang Pinay cagers ng masaklap na 73-88 kabiguan sa kamay ng Samoa sa Final Four upang tuluyang maglaho ang pag-asa nitong makapasok sa top division ng torneo.

Tanging ang magkakampeon lamang ang awtomatikong uusad sa Division A ng FIBA meet.

Nauna nang inilampaso ng Gilas Women ang Samoa sa group stage sa iskor na 94-65.

Subalit rumesbak ang Samoa sa semis kung saan nagtulong sina Kira-May Filemu, Azaleeah Oloapu at Sienna Tutani para makuha ang 53-30 lead sa halftime.

Mula dito ay hindi na lumingon pa ang Samoa para masikwat nito ang tiket sa finals.

Nagtala si Filemu ng 36 puntos at 15 rebounds para sa Samoa.

Nanguna para sa Gilas Women si Naomi Pa­nganiban na nagrehistro ng 15 puntos habang nagtala naman si Ava Fajardo ng 14 markers, at 13 points galing kay Kristan Yumul.

Hindi maganda ang shooting ng Gilas Women na nagsumite ng 29-of-92 shooting clip.

Susubukan ng Gilas Women na masikwat ang bronze medal sa pagharap nito sa matatalo sa pagitan ng Syria at Lebanon sa hiwaly na semis match.

Show comments