BOSTON — Alam ni star forward Jayson Tatum na kailangan niyang itaas ang kanyang antas ng paglalaro sa pang-limang NBA season niya.
Lalo na at siya ang ‘go-to scorer’ ng Celtics.
Aminado ang three-time All-Star na hindi sapat ang kanyang ibinibigay sa pagsabak ng Boston sa Golden State Warriors sa NBA Finals.
“I just got to be better,” wika ni Tatum matapos ang 97-107 pagyukod ng Celtics sa Warriors sa Game Four na nagtabla sa kanilang best-of-seven series sa 2-2.
“I know I can be better, so it’s not like I, myself or my team is asking me to do something I’m not capable of. They know the level and I know the level that I can play at,” dagdag nito.
Nakatakda ang Game Five bukas (Manila time).
Tinapos ni Tatum ang laro na may 23 points, 11 rebounds at 6 assists.
Subalit ito ang kanyang naging second-worst shooting performance ng serye matapos magtala ng malamyang 8-of -23 fieldgoal clip.
May anim din siya sa kabuuang 16 turnovers ng Celtics na nagresulta sa 19 points ng Warriors.