DA sa plano ng DAR: P20/kilo bigas imposible mangyari agad-agad
MANILA, Philippines — Kung ang Department of Agriculture (DA) ang tatanungin, "imposible" pang makamit ang P20/kilong bigas na campaign promise ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. batay sa current data — bagay na kaya raw gawin sa unang bahagi ng 2023 sabi ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Bago pa man ang pananakop ng Russia sa Ukraine, nasa P11.50/kilo raw ang production cost ng palay. Pero sa pagtaas ng fertilizer at fuel cost, sumirit na ito sa P14.80/kilo.
"Now, ang farmgate price natin naman, 'yung bibilhin mo ng palay, at 14% moisture content, ay P19 ang present na farmgate price," wika ni Agriculture Secretary William Dar, Miyerkules, sa panayam ng Teleradyo.
"So titingnan natin yun kung kaya ba ng P20 ang kilo ng bigas. With this data, it’s not yet possible."
Kung tutuusin, pwede pa nga raw tumaas ang presyo ng bigas ng P6/kilo sa pagtatapos ng 2022 kung bumaba ang produksyon ng palay dahil sa mahal na fertilizer at fuel.
Lunes lang nang sabihin ni Agrarian Reform Secretary Bernie Cruz na posible ito kung susundin ni Marcos Jr. ang mungkahi nilang "mega farm project" kung saan ime-mechanize ang nasa 150,000 ektaryang lupaing magreresulta sa 23-milyong kaban ng bigas. Layon din nilang ibaba ang cost of production kasabay nito.
Pero kailangan pa raw pag-aralan nang husto kung paano mapapababa ang gastusin ng pagtatanim ng palay.
Kung ikukumpara sa Thailand, nasa P8/kilo raw ang cost of production ng palay doon. Lalo pa itong mas mababa sa Vietnam kung saan P6/kilo ang cost of production.
Sa ngayon, ang nakikita lang ni Dar na paraan ay kung bibili ang gobyerno ng bigas mula sa mga magsasaka at ibenta ito ng P20/kilo sa merkado. Ang problema, kakailanganin daw ng nasa P123 bilyon para magawa ito.
"Nagtataka ako na kaya nila [DAR] agad... Ako the only way to have that ay i-subsidize mo. Bilhin mo ang rice at ibenta mo ng P20. Kung kaya nila ay it will take a lot of money," sabi ng agriculture chief.
"Gusto kong idagdag na yung aspiration ng ating president-elect ay magandang pangitain yan na lahat ng magawa natin, i-planong maigi how we can achieve that level of price for rice na P20."
Una nang sinabi ni Cruz na mas natutulungan ng National Food Authority ang mga dayuhang magsasaka kaysa sa mga lokal na pesante dahil sa pag-i-import ng bigas sa mataas na presyo para maibenta nang mura sa publiko.
Sa kabila nito, magandang magamit daw ang taripang nakukuha ng gobyerno mula sa importasyon ng bigas sa pamamagitan ng Rice Liberalization Law o Republic Act 11203 direktang maibigay na tulong sa rice farmers. Sa kabila niyan, pinapalagan ito ng mga progresibong magsasaka dahil sa tinatanggal ng R.A. 11203 ang restriksyon sa dami ng imported rice na pwedeng ipasok ng Pilipinas.
'Fuel, production subsidies'
Nananawagan naman ngayon ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng fuel at production subsidies para sa mga magsasaka ngayong nakararanas ng ika-18 pagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong taon.
"Kulang at limitado ang P500-milyon fuel discount ng Department of Agriculture," ani Danilo Ramos, lider ng KMP.
"Limitado lang ang mabibigyan nitong magsasaka ng mais at mga mangingisda samantalang halos lahat — lalo na ang mga magsasaka ng palay at gulay ay apektado ng pagtaas ng presyo ng abono at langis." Sinasabing 162,000 corn farmers at mangingisda ang eligible para sa diskwento.
Sa huling monitoring ng grupo, aabot ng hanggang P3,5000 na ang presyo ng urea na karaniwang ginagamit sa palay at gulay. Posible pa itong tumaas dahil sa lingguhang oil price hikes.
Taong 2020 pa nang manawagan ang KMP ng P10,000 cash aid at P15,000 subsidyo sa produksyon para sa mga magsasaka pero hindi raw ito pinansin nina Dar.
Giit nina Ramos, dapat maisama sa 2023 budget ang production at fertilizer subsidies para sa mga nagbubungkal ng lupa.
Patuloy pa ring itinutulak ng KMP na alisin na ang excise tax sa langis para mabawasan ang presyo ng petrolyo. Matapos ang price hikes kahapon, lampas P76/litro na ang gasolina habang lampas P80/litro naman ang diesel. Nasa P85/litro naman ang kerosene.
Kung aalisin ang excise tax at value-added tax sa langis, matatapyasan daw ito ng hanggang P10/litro.
Karaniwang may epekto sa presyo ng pagkain at bilihin ang bawat pagtaas ng presyo ng langis.
Martes lang nang iulat ng Philippine Statistics Authority na sumirit sa 5.4% ang inflation rate noong Mayo, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin simula Nobyembre 2018.
- Latest