Mojdeh hataw pa ng 3 ginto sa Iloilo
MANILA, Philippines — Walang makapigil sa matikas na kamada ni Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh nang sumisid pa ito ng tatlong gintong medalya sa 2022 National Invitational Sports Competition kahapon sa Iloilo Sports Complex.
Binuhat ni Mojdeh ang Calabarzon Region sa matikas na kampanya nito matapos masikwat ang gintong medalya sa girls’ 400m IM (5:18.51), 100m butterfly (1:05.26) at 200m butterfly (2:25.01).
“I’m so happy and I’m quite satisfied with my performance today compared yesterday. I’m just thankful to my coaches, my family and to all my friends who keep on cheering for me,” ani Mojdeh.
Sa kabuuan, may limang gintong medalya na si Mojdeh sa torneo kasama ang kanyang dalawang ginto sa 50m butterfly (29.89) at 200m IM (2:30.10) sa opening day.
Susubukan ni Mojdeh na walisin ang lahat ng asignatura nito sa pagsabak sa kanyang ikaanim na event sa 100m breaststroke ngayong araw sa kanyang ika-16 kaarawan.
Nagparamdam din ng lakas sina Lucena City pride Nicholas Ivan Radovan at Marcus Johannes De Kam na humataw ng tig-dalawang ginto sa kanilang kategorya.
Naghari si Radovan sa boys’ 200m butterfly (2:11.88) at 100m butterfly (58.61) habang humirit pa ito ng isang tanso sa 400m IM (5:06.11).
Sa kabilang banda, pinatunayan ni De Kam na isa ito sa pinakamahusay na freestyle sa bansa matapos kubrahin ang ginto sa boys’ 100m freestyle (55.07) at 200m freestyle (2:02.15).
Nag-ambag naman ng pilak si Hugh Antonio Parto sa boys’ 200m butterfly (2:13.94) habang nakatanso si Yohan Mikhail Cabana sa boys’ 50m backstroke (29.03).
“We are happy with the results that we are getting right now and we’re hoping to win more medals on the final day of the competition,” ani Calabarzon coach Virgilio de Luna.
- Latest