MANILA, Philippines — Maganda ang ibunga ng tuluy-tuloy na pag-eensayo ni Pinoy pole vaulter Ernest John Obiena matapos ang pagdomina sa nakaraang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vetnam.
Lumundag ang World No. 6 ranked ng 5.85 meters para pagharian ang L’Aquila leg ng European City of Sports tournament sa Italy.
Mas maganda ito kumpara sa kanyang itinalang SEA Games record na 5.46m sa Hanoi kamakailan.
Ngunit bigo ang 6-foot-2 na si Obiena na masira ang kanyang Asian mark na 5.93m na ipinoste niya sa Innsbruck, Austria noong nakaraang taon.
“It’s not everyday we get to jump in such beautiful places,” wika ni Obiena sa torneong idinaos sa harap ng makasaysayang Basilica di Santa Maria di Collemaggio.
Kaagad nagbalik sa training ang 26-anyos na si Obiena sa Formia, Italy matapos lundagin ang kanyang ikalawang gold medal sa SEA Games.
Bukod sa mga lalahukang European tournaments ay sasabak rin ang Tokyo Olympics campaigner sa bigating World Athletics Championships sa Hulyo 15-24 sa Oregon, Portland.