MANILA, Philippines — Ipinagpatuloy ni Fil-Am Eric Cray ang kanyang dominasyon sa men’s 400-meter hurdles ng Southeast Asian Games matapos itakbo ang gold medal kahapon sa Hanoi, Vietnam.
Nagsumite si Cray ng bilis na 50.41 segundo para sa kanyang pang-limang sunod na ginto sa nasabing event sa SEA Games simula noong 2013 edition.
Pinakain niya ng alikabok sina Vietnamese Cong Lich Quach (50.82) at Jun Jie Calvin Quek ng Singapore (51.19) para sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Bigo ang 33-anyos na si Cray na sirain ang kanyang national at SEA Games record na 49.40 segundo.
Ang gold ni Cray ang ikaapat ng Pinas sa athletics competition ng naturang biennial meet matapos ang dominasyon nina EJ Obiena sa pole vault, Clinton Kingston Bautista sa men’s 110m hurdles at Fil-Am William Morrison III sa shot put.