Team Philippines mainit ang simula sa SEA Games
MANILA, Philippines — Maningning ang simula ng kampanya ng Team Philippines matapos magtala ng panalo ang beach handball team at ang Azkals sa 31st Southeast Asian Games na ginaganap sa Hanoi, Vietnam.
Unang umarangkada ang Pinoy squad matapos itarak ang 18-16, 18-16 panalo laban sa Thailand sa beach handball na ginaganap sa Bac Ninh Sports University Gymnasium.
Ito ang nagsilbing matamis na pagresbak ng ng Pilipinas sa Thailand matapos lumasap ang Pinoys ng 2-0 kabiguan sa Thais sa 2019 edisyon ng SEA Games na ginanap sa Subic.
Silver medalist ang Thailand habang bronze winner ang Pilipinas noong Manila Games.
Binubuo ang tropa nina Daryoush Zandi, Dhane Miguelle Varela, Josef Maximillan Valdez, Rey Joshua Tabuzo, John Michael Pasco, Jamael Pangandaman, Manuel Lasangue Jr., Andrew Michael Harris, Mark Vincent Dubouzet at Van Jacob Baccay.
Muling daraan sa pagsubok ang Pilipinas dahil makakasagupa nito ang powerhouse Vietnam ngayong araw sa alas-6 ng gabi (oras sa Maynila).
Ang Vietnam ang defending champion sa SEA Games.
Apat na bansa lamang ang kalahok sa edisyong ito ng handball.
Dahil dito, double round robin ang ipatutupad kung saan ang tatlong nangungunang koponan ang aangkin sa gold, silver at bronze medals.
Sa kabilang banda, matikas din ang simula ng Azkals nang ilampaso nito ang Timor Leste, 4-0, sa Group A ng men’s football preliminary round.
- Latest