MANILA, Philippines — Mabilis na nakabangon ang De La Salle University sa mabagal na simula upang tuhugin ang 22-25, 25-23, 25-18, 25-20 panalo laban sa defending champion Ateneo de Manila University kagabi sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Apat na players ng Lady Spikers ang nakakuha ng double figures kabilang sina Baby Jyne Soreno na humataw ng 17 hits at Alleiah Malaluan na naglista ng 15 markers.
Nakalikom naman sina Thea Gagate at Mereophe Sharma ng pinagsamang 21 puntos para sa 1-0 panimula ng Lady Spikers.
Nasayang ang 24 puntos na pinaghirapan ni outside hitter Faith Nisperos para sa Lady Eagles na bumagsak sa 0-1 baraha.
Samantala, nasa tuktok din ng standings ang University of Santo Tomas at National University na nanaig sa kani-kanyang karibal.
Wagi ang UST sa Far Eastern University sa bendisyon ng 25-23, 25-20, 25-21 desisyon para makuha ang 1-0 rekord.
Nanguna si outside hitter Eya Laure na kumana ng 13 attacks at isang block kasama ang siyam na excellent digs habang nagdagdag si Cams Victoria ng 12 markers para sa Tigresses.
Sa kabila ng panalo, hindi kuntento si UST head coach Kungfu Reyes.
“Medyo shaky yung performance namin though nanalo naman. Pero yun nga, masyadong marami yung unforced errors namin na kailangan namin i-correct pero luckily nanalo nga kami ng straight sets,” ani Reyes.
Walang player ng Lady Tamaraws ang nagtala ng double digits kung saan nalimitahan si opposite spiker Lycha Ebon sa siyam na puntos habang may walo si Nikka Medina at pito si Chenie Tagaod.
Sa kabilang banda, nanaig ang NU sa Adamson University, 25-15, 25-23, 25-18, para saluhan ang UST sa tuktok ng standings.
Balanse ang ratsada ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni Alyssa Solomon na kumana ng 11 attacks, tatlong blocks at isang ace.
Naglista naman si Michaela Belen ng 14 puntos habang pumalo si Princess Robles ng 12 points kasama ang walong excellent digs, at limang receptions.