MANILA, Philippines — Wala ang pangalan ni Kai Sotto sa listahan ng mga nagnanais lumahok sa 2022 NBA Rookie Draft.
Base sa inilabas ng NBA, may 283 players ang nagsumite ng aplikasyon para sa annual draft.
May 247 ang galing sa college habang 36 naman ang international players.
Natapos na ang deadline noong Abril 24 ngunit walang inilabas na desisyon ang 7-foot-3 Pinoy cager kung sasabak na ito sa draft.
Sariwa pa si Sotto sa kampanya sa Australia National Basketball League (NBL) kasama ang Adelaide 36ers.
Sa kanyang unang season sa NBL, nagtala si Sotto ng averages na 7.6 points kada laro na nakuha nito sa 51 percent field goal shooting.
Mayroon din itong averages na 4.5 rebounds at 0.7 blocks sa 23 laro nito sa liga.
Walang inihahayag si Sotto subalit isa sa posibilidad ang ipagpatuloy nito ang paglalaro sa susunod na season ng NBL.
Inaasahang babalik din sa Pilipinas si Sotto para makasama ang Gilas Pilipinas sa ilang torneo kanilang na ang mga FIBA tournaments at ang Asian Games na idaraos sa Setyembre sa Hangzhou, China.