Team Mojdeh sumisid ng 12 ginto!
MANILA, Philippines — Humakot ng medalya ang Team Mojdeh sa katatapos na 80th Invitational Swim Series na ginanap sa New Clark City Aquatic Center sa Capas, Tarlac.
Nagpasiklab sina Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh, Mohammad Behrouz Mojdeh at Mikee Mojdeh matapos sumisid ng gintong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Bumandera sa kampanya ng Team Mojdeh si Micaela Jasmine na nakasungkit ng limang ginto at isang pilak na medalya sa girls’ 15-year division.
Hindi rin nagpahuli si Mohammad Behrouz na nakasiguro naman ng apat na ginto at isang pilak sa boys’ 10-year category.
Ngunit pinakamaningning si Mikee na sa kabila ng maiksing panahon sa training, nagawa pa ring makasungkit ng tatlong gintong medalya sa boys’ 6-year event.
“First of my kids to swim LC for his first competition (Mikee) with one week training na mas marami pang sun bathing moments kesa sa training,” biro ni Behrouz Elite Swimming Team (BEST) team manager Joan Mojdeh.
“I think he learned so much from growing up surrounded with amazingly fast swimmers,” dagdag nito.
Itinanghal na overall champion sa naturang torneo ang Philippine Killerwhale Swim Team.
“Off to the regionals very quick. Here we go for another back to back meets. I am getting old for this I think after two years hiatus but sige lang para sa mga anak,” ani Joan.
- Latest