‘Killer’ ng 3 magkakaanak sa Rizal, natimbog

Ayon kay Calabarzon police director Brig. Gen. Antonio Yarra, ang obrero na nakilalang si Vergel Navalta alias “Mark” ay nadakip ng mga operatiba sa isinagawang operasyon sa Moncada, Tarlac dakong ala-1:30 ng madaling-araw.
File

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang construction worker na pangunahing suspek sa pagpatay sa tatlong miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang bata sa Rizal ang naaresto sa Tarlac kahapon.

Ayon kay Calabarzon police director Brig. Gen. Antonio Yarra, ang obrero na nakilalang si Vergel Navalta alias “Mark” ay nadakip ng mga operatiba sa isinagawang operasyon sa Moncada, Tarlac dakong ala-1:30 ng madaling-araw.

“He (suspect) was positively identified by witnesses as the culprit and he was the last seen persons leaving the scene before the killing was discovered through the video footage of close circuit television camera,” ayon kay Rizal police director Col. Dominic Baccay.

Sinabi naman ni Lt. Col. Orlando Carag, hepe ng Cainta Police na “robbery” o pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa mga biktimang sina Angelica Manaloto, 24 anyos; Nica Mangi, 4, at Renz Orly Trinidad, 7, na kapwa natagpuang tadtad ng saksak sa katawan.

“We already recovered the murder weapon and cash money of the victims,” pahayag ni Carag.

Dagdag ng opisyal, may iba’t ibang kasong kriminal ang suspek sa Rizal at karatig lalawigan at nakatakda rin siyang sampahan ng kasong “robbery with multiple homicide” sa Provincial Prosecutor’s Office dahil sa pagpatay sa tatlong biktima.

Show comments