Knights, Cardinals at Red Lions hangad ang 4th win
MANILA, Philippines — Itataya ng nagdedepensang Letran Knights, San Beda Red Lions at Mapua Cardinals ang kanilang matayog na record.
Haharapin ng Knights ang Cardinals ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang bakbakan ng Red Lions at San Sebastian Stags sa alas-3 ng hapon sa 97th NCAA men’s basketball tournament sa La Salle Greenhills Gym sa Mandaluyong City.
Bitbit ng Letran, San Beda at Mapua ang magkakatulad na 3-0 baraha para palakasin ang tsansa sa dalawang automatic seat sa Final Four.
Ang top two teams matapos ang single-round eliminations ang aabante sa Final Four tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage.
Ang No. 3, 4, 5 at 6 teams ang maglalaro sa play-in tournament na magdedetermina sa dalawang semifinalists.
“It’s still a long way to go. Matagal pa iyong tournament at iisa-isahin pa natin,” sabi ni Knights’ head coach Bonnie Tan.
Matinding preparasyon ang ginawa ng Cardinals ni coach Randy Alcantara para makamit ang ikaapat na sunod na panalo.
“Lahat naman ng teams sa NCAA ay tini-treat namin na malakas, so siyempre kailangan naming mag-prepare at kailangan tuluy-tuloy lang iyong ginagawa namin plus iyong effort at chemistry,” ani Alcantara.
- Latest