Maroons ipinagpag ang Red Warriors

The UP Fighting Maroons extended their win streak to three games after holding off the UE Red Warriors.
UAAP

MANILA, Philippines — Nalusutan ng Universi­ty of the Philippines ng ma­tikas na kamada ng Uni­versity of the East, 81-66, upang masungkit ang ikatlong panalo sa UAAP Season 84 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pa­say City.

Nanguna para sa Figh­ting Maroons si Zav Lucero sa itinalang 14 points tampok ang 8-of-9 clip sa free throw area, habang nagtala rin si Ricci RIvero ng 14 mar­kers at 3 steals.

Nakalikom si CJ Cansi­no ng 10 points at nagdagdag si Malick Diouf ng 7 mar­kers, 6 rebounds, 6 blocks at 3 assists para sa UP na umangat sa 3-1 rekord para sa No. 3 spot.

Nagawang palobohin ng Fighting Maroons ang kalamangan sa 30 points, 65-35, sa third quarter.

Subalit mainit ang Red Warriors sa pagsisimula ng huling kanto nang magpasabog ng 17-2 run sa li­kod ni Kyle Paranada para maibaba ito sa 11 points, 62-73.

Agad sumaklolo sina Diouf at Lucero para tuluyang pigilan ang paghahabol ng Red Warriors.

Umiskor si Clint Escamis ng 16 points at 6 steals para sa Red Warriors.

Wala pa ring panalo ang UE sa apat na pagsalang.

Sa unang laro, nanaig ang National University sa Far Eastern University, 73-68, para makuha ang ika­lawang panalo sa apat na laro.

Laglag naman sa 1-3 ang marka ng Tamaraws.

Samantala, sinakmal ng University of Santo Tomas ang Adam­son, 79-72, tungo sa 2-2 baraha.

Show comments