Pagtutulungan susi ng Navy riders sa tagumpay
MANILA, Philippines — Walong sunod na taon nagkampeon ang Navy Standard Insurance sa LBC Ronda Pilipinas, nagtuloy ang kanilang dominasyon matapos masilo ang team classification sa katatapos na 11th edition ng 10-stage event noong Linggo.
Nakapagtala ang Navy Standard Insurance ng aggregate time na 103:56:27 sapat upang ibulsa ang P200,000 na premyo.
Maliban sa pagiging kampeon sa team, dinomina rin ng Navy Standard Insurance ang individual general classification kung saan nasikwat ni Ronald Lomotos ang korona kasama ang P1M premyo.
Pumangalawa si Navy skipper at former Ronda champion Ronald Oranza habang ang teammates niyang sina El Joshua Carino at Jeremy Lizardo ay third at fourth placers ayon sa pagkakasunod.
Navy rider din ang sumungkit ng King of the Mountain at P20,000 na premyo, ito’y ang 29-anyos na si Oranza na may nalikom na 45 points.
Hinakot din ng Navy ang Best Rookie of the Year at Under-23 champion, pareho itong hinablot ng 21-anyos na si Lizardo.
Ayon kay Navy head coach Reinhard Gorantes, naging susi sa kanilang tagumpay ang pagtutulungan ng bawat isa sa team at ng management.
Samantala, inaasahang mas magiging matindi ang bakbakan ng mga siklista sa 2023 Ronda Pilipinas dahil papadyak ang mga ito sa Visayas at Mindanao.
- Latest