MANILA, Philippines — Sa Taiwan ipagpapatuloy ni KG Canaleta ang kanyang basketball career.
Ito ay matapos hugutin ng Taichung Wagor si Canaleta para palakasin pa ang lineup nito sa ginaganap na T1 Basketball League.
Makakasama ni Canaleta sa Taichung si Gilas Pilipinas standout Jordan Heading.
Masaya ang pamunuan ng Taichung sa pagpasok ni Canaleta sa kanilang tropa dahil inaasahang magiging malaki ang kontribusyon nito.
“Although we already have excellent Asian import in Jordan Heading, Niño KG Canaleta will also play an important role. We will be depending on the combinations and different rotations as the games go by,” ani Suns general manager David Wang.
Kasalukuyang may 11-8 rekord ang Taichung sa liga para okupahan ang No. 3 spot.
Huling naglaro si Canaleta sa PBA Philippine Cup para sa Blackwater kung saan nagtala ito ng averages na 5.3 points at 2.6 rebounds.
Natapos na ang kontrata ni Canaleta sa Bossing noong Dec. subalit hindi na ito ni-renew pa.