MANILA, Philippines — Tapos na ang makulay na professional boxing career ni Manny Pacquiao habang nagsisimula pa lang ang kanyang anak na si Jimuel.
Panalo kaagad ang naitala ng 20-anyos na si Jimuel matapos talunin si American Andres Rosales sa kanilang three-round, junior welterweight amateur fight kahapon sa House of Fights sa San Diego, California.
Ito ang US amateur boxing debut ng anak ni ‘Pacman’ na nag-training sa Wild Card Boxing Gym ni Hall of Famer Freddie Roach sa ilalim ni Pinoy trainer Marvin Somodio.
Matutulis na jab at mabigat na right straight ang naging sandata ni Jimuel para talunin si Rosales.
Noong Disyembre ay nakakuha si Jimuel ng amateur boxing license kasunod ang pakikipag-ensayo sa mga Filipino boxers sa Wild Card Gym.