Felipe itotodo ang lakas sa 2 Stage ng Ronda

Paborito ang Navy Standard Insurance na magwagi sa LBC Ronda Pilipinas.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Importante kay Marcelo Felipe ng Nueva Ecija ang Stage 1 Individual Time Trial at Team Time Trial para masilo ang inaasam na korona sa 10-stage LBC Ronda Pilipinas 2022 na magsisimula ngayong  araw.

Ilalarga sa Stage 1 ang ITT sa alas-8 ng umaga sa harapan ng Provincial Capitol at magtatapos sa Rampeolas Blvd, Sorsogon at sa ala-1 naman ng hapon pakakawalan ang TTT sa parehong lugar.

“Importante na ma-i set na namin ng maganda ang individual time trial namin at yung sa team time trial kasi kailangan hindi kami mas­yadong malayo sa mga favorites ng sa gayon ay malaki ang tsansa namin na mag-champion,” wika ni Felipe na dating pambato ng 7-Eleven.

Makakatuwang ni skipper Felipe sina veteran Rustom Lim, Orly Villa­nueva, Arjay Peralta at Gilbert Valdez habang ang rookie riders ng Nueva Ecija ay sina Under-23 Rench Michael Bondoc, Joshua Garcia, John Patrick Pagtalunan at Xrus Dale Dela Cruz.

Nakalaan ang kabuuang P3.5M na premyo kung saan ibubulsa ng overall individual winner ang tumataginting na P1M.

Tiyak na magiging hadlang sa asam na titulo ng Nueva Ecija ang defending champions Navy Standard Insurance na ibabandera sina George Oconer ang huling kampeon sa Ronda at 2019 winner Ronald Oranza.

Ang iba pang teams na papadyak ay ang Philippine Army, Dreyna, Eagle Cement, Champ Café, Bike Kings Laguna, Vantage Ilocos Norte, VPharma, Team Quezon Province, Team Ilocos Sur at Go for Gold.

Show comments