MANILA, Philippines — Desidido si dating NBA player Chris McCullough na maglaro suot ang Gilas Pilipinas jersey sa mga international tournaments kabilang na ang FIBA World Cup sa susunod na taon.
Muling inihayag ni McCullough ang intensiyon nitong lumaro sa Gilas Pilipinas sa kanyang social media account.
“I just need a chance that’s all,” ani McCullough kung saan nakatag ang official account ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Isang netizen ang nagtanong kung nais pa rin ni McCullough na maging naturalized player ng Gilas.
Agad namang tumugon si McCullough ng “Let’s ask @smartgilasph.”
Hindi na bago si McCullough sa sistema ng Philippine basketball dahil naging import na ito ng San Miguel Beer sa Philippine Basketball Association.
Malaki ang magiging kontribusyon nito sa Gilas Pilipinas dahil impresibo ang produksiyon nito.
Naglarong import si McCullough sa Taiwan kung saan nagtala ito ng averages na 22.6 points at 9.6 rebounds kasama pa ang 1.6 assists at 1.2 blocks kada laro.
At kung makalalaro si Filipino-American Jordan Clarkson bilang local player sa FIBA World Cup, tiyak na mas magiging solido ang Gilas Pilipinas sa naturang world meet.
Noong 2020 pa nakipag-usap si SBP president Al Panlilio kay McCullough subalit simula noon, wala pa ring naging pagbabago sa usapan.
Sa halip, mas naunang naging naturalized player si Angelo Kouame na ngayong taon lamang nabigyan ng Filipino citizenship.