Go for Gold team tututukan sa Ronda

Daniel Ven Cariño.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Babanderahan nina Daniel Carino at Ismael Grospe ang kampanya ng Go for Gold sa 11th edition ng LBC Ronda Pilipinas 2022 na pakakawalan sa Marso 11 sa Sorsogon at magtatapos sa Marso 20 sa Baguio City.

Inaasahang ibubuhos nina Carino at Grospe ang lahat ng kanilang makakaya kasama si team member Jericho Jay Lucero sa pinakahuli nilang pagpadyak para sa Go for Gold na ang programa ay makadiskubre ng mga batang road racers.

“We want it to be a memorable finish this year because some of our riders are on their last year, this is their last hurrah,” ani Go for Gold coach Ednalyn Hualda.

Ang iba pang miyembro ng cycling team ay sina Jonel Carcueva, Ronnilan Quita, Boots Ryan Cayubit at Dominic Perez.

Bukod sa Go for Gold, sasalang din sa  LBC Ronda Pilipinas 2022 ang paboritong Navy Standard Insurance na pamumunuan nina defending champion George Oconer at 2018 winner Ronald Oranza.

Itatampok naman ng Excellent Noodles sina many-time Ronda titlists Santy Barnachea at Jan Paul Morales.

Kalahok din ang Philippine Army, Team Nueva Ecija, Dreyna, Eagle Cement, Champ Café, Bike Kings Laguna, Vantage Ilocos Norte, VPharma, Team Quezon Province at Team Ilocos Sur.

Kabuuang premyong P3.5 milyon ang nakalatag sa event kung saan ang P1 milyon ang makukuha ng overall individual champion, P400,000 para sa runner-up at P200,000 sa second runner-up.

Show comments