MANILA, Philippines — Pumirma si Jericho Cruz ng tatlong taong kontrata sa San Miguel Beer matapos mapaso ang kontrata nito sa NLEX Road Warriors noong Lunes.
Mainit na tinanggap si Cruz ng pamunuan ng Beermen sa pangunguna nina team governor Robert Non at team manager Gee Abanilla.
Kasama ni Cruz sa contract signing si agent Danny Espiritu.
Muling makakasama ni Cruz sa koponan si Beermen head coach Leo Austria na naging mentor nito sa Adamson University noong naglalaro pa ito sa UAAP.
Kaya naman hindi na magiging mahirap para kay Cruz ang adjustments sa sistema ng Beermen dahil kabisado na nito ang estilo ni Austria.
Kailangan na lamang ni Cruz ng tamang chemistry upang makasabay sa iba pang miyembro ng Beermen.
Hindi na rin bago si Cruz sa ibang players ng SMB dahil naging katropa na nito si Terrence Romeo noong pareho pa silang nasa Talk ’N Tex Tropang Giga.
Inaasahang masisilayan agad sa Beermen jersey si Cruz sa Huwebes sa oras na makasagupa ng SMB ang Rain or Shine sa PBA Season 46 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.