Bates out na sa La Salle
MANILA, Philippines — Hindi pa man nagsisimula ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84, nalagasan na agad ang lineup ng De La Salle University.
Ito ay matapos magdesisyon si Brandon Bates na lisanin na ang kampo ng Green Archers para dalhin ang talento nito sa Australia.
Bumalik na lamang ang 6-foot-9 Filipino-Australian para doon ipagpatuloy ang pag-aaral nito sa University of Sydney.
Nakapaglaro si Bates suot ang Green Archers jersey noong UAAP Season 81 kung saan nagtala ito ng averages na 2.7 points at 5.5 rebounds.
Sa Season 82, umangat ang rekord ni Bates sa averages na 3.14 points at 8.43 rebounds.
Sa pagbabalik nito sa Australia, masisilayan sa aksyon si Bates kasama ang Sutherland Sharks sa National Basketball League (NBL) 1 East.
Wala na rin sa Green Archers si Jordan Bartlett na lumipat sa National University.
Isang season lamang naglaro si Barlett sa La Salle noong UAAP Season 80 kung saan may averages itong 3.09 points at 1.18 rebounds.
Nakatakdang magsimula ang UAAP Season 84 sa Marso na inaasahang makakasabay ng NCAA season.
- Latest