Obi Toppin sinapawan ang mga kalaban
CLEVELAND - Walang kahirap-hirap na inangkin ni New York Knicks forward Obi Toppin ang korona ng Slam Dunk Contest sa NBA All-Star Weekend.
Kumolekta si Toppin ng 45 points sa unang dunk niya sa finals kumpara sa 39 points ni Juan Toscano-Anderson ng Golden State Warriors.
Nabigo si Anderson na kumpletuhin ang kanyang ikalawang dunk na tumiyak sa panalo ni Toppin, ang pang-limang Knicks player na nagkampeon sa slam dunk competition.
Pumangatlo si Fil-Am rookie Jalen Green ng Houston Rockets.
Pinagharian naman ni Minnesota Timberwolves center Karl-Anthony Towns ang Three-Point Shootout sa kanyang record point total na 29 points sa final round.
Dinaig ni Towns sa finals sina Atlanta Hawks star guard Trae Young at Luke Kennard ng Los Angeles Clippers na parehong may 26 points.
Samantala, lalabanan ngayon ng Team LeBron ni LeBron James ng LA Lakers ang Team Durant ni Kevin Durant ng Nets sa NBA All-Star Game.
Nasa starting five ng Team LeBron sina James, Giannis Antetokounmpo (Milwaukee Bucks), Stephen Curry (Warriors), DeMar DeRozan (Chicago Bulls) at Nikola Jokic (Denver Nuggets).
Si Joel Embiid (Philadelphia 76ers) ang babandera sa Team Durant kasama sina Jayson Tatum (Boston Celtics), Trae Young (Atlanta Hawks), Ja Morant (Memphis Grizzlies) at Andrew Wiggins (Warriors).
- Latest