Jazz tinambakan ang Rockets

Pinuwersa ni Fil-Am Jordan Clarkson ng Jazz ang kababayang si rookie Jalen Green ng Rockets.
STAR/ File

SALT LAKE CITY, Philippines — Nagpasabog si star guard Donovan Mitchell ng 30 points habang may 22 markers si Bojan Bogdanovic sa 135-101 dominasyon ng Utah Jazz sa Houston Rockets.

Nasa kanilang six-game winning streak, okupado ng Jazz (36-21) ang No. 4 spot sa Western Conference at ipinalasap sa Rockets (15-41) ang pang-limang sunod nitong kamalasan.

Nag-ambag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 16 points para sa Utah at may 14 markers si three-time Defensive Player of the Year Rudy Gobert.

Tumipa sina Eric Gordon, Jae’Sean Tate at Kevin Porter Jr. ng tig-14 points sa panig ng Houston kasunod ang 13 markers ni Fil-Am rookie Jalen Green.

Isang 16-0 atake ang ginawa ng Jazz sa pagitan ng first at second period para iposte ang 31-point lead bago ang halftime na hindi na napababa ng Rockets sa second half.

Sa Chicago, humugot si DeMar DeRozan ng 19 sa kanyang 40 points sa fourth quarter para akayin ang Bulls (37-21) sa 120-109 pagsuwag sa San Antonio Spurs (22-36).

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Chicago para patuloy na solohin ang No. 2 spot sa Eastern Conference sa ilalim ng Miami Heat (37-20).

Sa Los Angeles, humataw si Terance Mann ng season-high 25 points sa 119-104 paglunod ng Clippers (29-30) sa Golden State Warriors (42-16).

Sa iba pang laro, hiniya ng Portland Trail Blazers ang Milwaukee Bucks, 122-107; giniba ng Denver Nuggets ang Orlando Magic, 121-111; pinadapa ng Washington Wizards ang Detroit Pistons, 103-94; at binigo ng New Orleans Pelicans ang Toronto Raptors, 120-90.

Show comments