MANILA, Philippines — Mag-isang dadalhin ni Fil-American Asa Miller ang laban ng Pilipinas para sa Winter Olympic Games na bubuksan sa Pebrero 4 sa Beijing, China.
“It’s really an honor that our tropical country has a representative for the third straight Winter Olympics,” wika kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino. “We’re lucky to have Asa (Miller).”
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na sasabak si Miller sa Winter Olympics matapos noong 2018 sa Pyeongchang, Korea.
Lalahok ang 21-anyos na si Miller sa men’s slalom at giant slalom sa Pebrero 18 sa Xiaohaituo Alpine Skiing field sa Yanqing District.
Nakatakdang magtungo ngayon ang isang maliit na delegasyon sa Beijing sa pamumuno nina Chef de Mission Bones Floro at Athlete Welfare officer Joebert Yu.
Magmumula sa Los Angeles si Miller kasama ang kanyang amang si Kelly at si Philippine Ski and Snowboard Federation chief Jim Palomar Apelar patungo sa Beijing kasunod sina American Will Gregorak at Philippine Skating Union (PSU) president Nikki Cheng.
Sumailalim ang mga delegation members sa dalawang RT-PCR tests at susundin ang ipinatutupad na health and safety protocols sa Beijing.