Magsayo idedepensa ang WBC belt vs Vargas
MANILA, Philippines — Wala munang rematch sina reigning World Boxing Council (WBC) featherweight champion Mark Magsayo at Gary Russell Jr.
Ito ay matapos ipag-utos ng WBC ang mandatory title defense ng Pinoy pug laban kay Mexican challenger Rey Vargas.
Umaasa ang ilan na magkakaroon agad ng Part 2 ang Magsayo-Russell fight.
Subalit hindi muna ito matutupad matapos umeksena si Vargas.
Galing sa matagumpay na panalo si Magsayo nang itarak nito ang majority decision win kay Russell para maagaw ang WBC belt noong Linggo sa Atlantic City sa New Jersey.
Hindi pa man nag-iinit ang korona kay Magsayo, tila sasalang na agad ito sa pukpukang ensayo upang paghandaan ang kanyang susunod na laban.
Hindi naman na bago si Magsayo sa mga Mexican boxers.
Sa katunayan, ilang Mexican fighters na ang pinangalanan nito matapos ang kanyang kampeonato.
“I want to fight Mexicans, they are great fighters, warriors. I would like to fight Leo Santa Cruz or Luis Nery,” ani Magsayo.
Limang Mexican boxers na ang nabiktima ni Magsayo sa kanyang boxing career.
Sa kabilang banda, mataas ang respeto ni Vargas kay Magsayo.
Nasaksihan nito ang bagsik ng kamao ni Magsayo sa laban nito kay Russell.
“Magsayo is a wider fighter, but he is smarter. Yes he has more strength than Gary Russell, but Magsayo showed a lot of intelligence in this fight,” ani Vargas.
- Latest