MANILA, Philippines — Desidido si undefeated Pinoy fighter Mark Magsayo na mapasama sa elite list ng mga Pinoy world champions.
Kaya naman ibubuhos na nito ang lahat ngayong araw para mapatumba si reigning World Boxing Council (WBC) featherweight champion Gary Russell sa Borgata Atlantic City sa New Jersey.
Parehong pasok sa timbang sina Magsayo at Russell matapos ang official weigh in kahapon kung saan nagtala ang dalawa ng magkatulad na 125.5 pounds.
Kitang kita sa mga mata ni Magsayo ang bagsik kalakip ang pormadong pormadong pangangatawan na tila handang handa nang sumabak sa matinding bakbakan.
Malayo ang porma ni Magsayo kay Russell.
Hindi gaya ng kanyang mga nakalipas na laban na aktibong aktibo ito, bakas sa mukha ni Russell na may iniinda ito na posibleng pangunahing dahilan ang injury na binanggit nito kamakailan.
Subalit hindi nagpatinag si Russell.
Handa itong depensahan ang kanyang titulo.
Naniniwala si Russell na lamang pa rin ang magandang estratehiya sa laban kumpara sa porma ng katawan.
“I always believe in intellect over athleticism,” ani Russell.
Matagal nang hindi nakasabak si Russell dahil noong Pebrero 2020 pa ito huling lumaban nang talunin nito si Mongolian Tugstsogt Nyambayar via unanimous decision.
Gayunpaman, patutunayan ni Russell na hindi ito nangalawang.
“Hell not I’m not concerned about any ring rust. At the end of the day, I’m a gladiator. I love what I do. I love competing and showing the fans the skill set that I bring to the sport of boxing,” ani Russell.
Sumailalim umano ito sa matinding ensayo upang masigurong matagumpay na madepensahan ang kanyang titulo.
Handa naman si Magsayo na ibigay ang ikalawang kabiguan ni Russell.
Matatandaang lumasap ng unang pagkatalo si Russell noong 2014 nang yumuko ito kay Ukrainian Vasyl Lomachenko via majority decision.