MANILA, Philippines — Mas lalong magiging palaban ang PLDT Home Fibr sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference matapos magdagdag ng multi-awarded middle blocker sa ngalan ni Mika Reyes.
Pormal nang inihayag ng pamunuan ng High Speed Hitters ang pagpasok ni Reyes sa lineup nito upang palakasin ang kanilang front line.
Apat na beses hinirang na Best Middle Blocker si Reyes sa Philippine Superliga.
Matatandaang isa si Reyes sa mga naging free agents matapos magsumite ng leave of absence ang Sta. Lucia sa 2022 season ng liga.
Subalit hindi naging mahirap ang paglipat ni Reyes dahil agad itong sinunggaban ng High Speed Hitters.
“Unang-una, siyempre malaking factor yung team composition kasi PLDT was looking for middles,” ani Reyes.
Masaya si Reyes sa kanyang bagong pamilya na mainit ang naging pagtanggap sa kanya.
“Tapos out of all teams that made an offer, sila Sir Bajjie (Del Rosario, team manager) ang talagang naramdaman ko who really wants me. Nagulat ako na sobrang interested nila na kunin ako sa team so I’m very grateful,” ani Reyes.
Muling makakasama ni Reyes sa PLDT si playmaker Rhea Dimaculangan na naging teammate nito sa ilang kampeonato ng Petron sa Philippine Superliga.
Makakasama rin ni Reyes ang dating Sta. Lucia players na sina Dell Palomata at Jovielyn Prado.