Master Sardines bagong team sa PBA 3x3 tourney

PBA commissioner Willie Marcial.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Mula sa 13 koponan ay nadagdagan ng isang bagong miyembro ang PBA 3x3 Lakas ng Tatlo tournament.

Tiyak nang sasalang ang Master Sardines, isang non-PBA regular, sa second conference ng torneo na isusunod ng liga sakaling maituloy ang natenggang 2021-2022 Governors’ Cup.

“Master Sardines is joi­ning us, and there’s another one na gusto rin sumali,” wika ni PBA commissioner Willie Marcial. “Iyong Blackwater gustong pumasok, pero mukhang hindi nagkasundo.”

Ang first conference ng PBA 3x3 ay dinomina ng Limitless Appmasters na hinirang na grand champion bukod sa paghahari sa fifth at sixth legs.

Bukod sa Limitless, ang 12 pang koponan sa torneo ay ang TNT Tropang Giga, Meralco, Purefoods TJ Titans, Sista Super Sea­lers, Barangay Ginebra, Cavitex, NorthPort, Pioneer Pro Tibay, Platinum Karaoke, San Miguel Beer, Terrafirma at Zamboanga Valientes.

Ang torneo ay kinikilala ng FIBA, ang international basketball federation.

Show comments