MANILA, Philippines — Nadagdagan na naman ang listahan ng mga Pinoy volleyball players na sasabak sa international tournament sa ngalan ni outside hitter Joshua Umandal.
Kinuha ng Bahranian volleyball club na Bani Jamra ang serbisyo ni Umandal para maging import sa Rashid Volleyball League first division.
Matapos makumpleto ang requirements partikular na sa safety and health protocols, tumulak na patungong Bahrain si Umandal kahapon.
“Joshua Umandal departs today to Bahrain as he is chosen to play for Bani Jamra Volleyball Club,” ayon sa post ng Virtual Playground na siyang humahawak sa career ng University of Santo Tomas standout.
Si Umandal ang ikalimang Pinoy na magsisilbing import sa international clubs.
Makakasama nito sina Marck Espejo (FC Tokyo), Bryan Bagunas (Oita Miyoshi) at Jaja Santiago (Saitama Ageo Medics) na naglalaro sa Japan V.League, at Mylene Paat (Nakhon Ratchasima) na nasa Thailand Volleyball League.
Ang Bani Jamra ang dating volleyball club na nilaruan ni Espejo.
Kaya naman nagbigay ng mensahe si Espejo kay Umandal sa magandang oportunidad na nagbukas dito.
“Good luck buddy,” ani Espejo.
Napansin ang husay ni Umandal nang maglaro ito sa national team sa 2021 Asian Men’s Club Volleyball Championship na ginanap sa Thailand.