MANILA, Philippines — May bagong bahay sa taong ito sina Rodney Brondial at John Pinto kasama ang kani-kanyang bagong teams.
Lumundag si Brondial mula sa Alaska patungo sa kampo ng San Miguel Beer habang hinugot naman ng Barangay Ginebra si Pinto na mula sa free agency.
Napaulat na hindi nagkasundo si Brondial at ang Alaska management sa contract extension kaya’t nagpasya ang una na lumipat sa Beermen.
Walang detalyeng lumabas kung ano ang nakapaloob sa kontrata ni Brondial sa Beermen.
Muling makakasama ni Brondial si SMB head coach Leo Austria na nakasama nito sa Adamson University noong naglalaro pa ito sa UAAP.
Sa kabilang banda, napunta sa free agent si Pinto matapos magdesisyong hindi na irenew ang kanyang kontrata sa Meralco Bolts.
Nagtapos na ang kontrata ni Pinto noong Disyembre 2021.
Kaya naman agad itong kinuha ng Gin Kings at binigyan ng three-year contract.
Nakapaglaro pa ng dalawang laro si Pinto kasama ang Bolts sa PBA Season 46 Governors’ Cup kung saan mayroon itong averages na 9.0 points, 2.5 rebounds at 5.5 assists.