Bulls sinuwag ang ika-8 sunod na panalo
CHICAGO - Humataw si DeMar DeRozan ng 29 points para banderahan ang Bulls sa 102-98 pagdaig sa Orlando Magic at dumiretso sa kanilang pang-walong sunod na ratsada.
Sapat na ang pinagsamang 17 markers nina DeRozan at Zach LaVine sa third quarter para sa panalo ng Chicago (25-10) sa Orlando (7-31).
Nagdagdag si LaVine ng 27 points para sa pagkopo ng Bulls sa No. 1 spot sa Eastern Conference habang may 17 markers si Coby White at nagtala si center Nikola Vucevic ng 13 points at 17 rebounds.
Umiskor si Franz Wagner ng 22 points at may 21 markers si Wendell Carter Jr. para sa Magic na nahulog sa kanilang ikaanim na sunod na kamalasan.
Sa San Francisco, tumipa si Jordan Poole ng 32 points para igiya ang NBA-leading Golden State Warriors (29-7) sa 115-108 pagpapalamig sa Miami Heat (23-15).
Nalimitahan si NBA three-point king Stephen Curry sa 9 markers sa loob ng 32 minuto.
Sa Milwaukee, tinapos ng Detroit Pistons (7-28) ang six-game winning streak ng nagdedepensang Bucks (25-14) matapos kunin ang 115-106 tagumpay.
Kumolekta naman si Giannis Antetokounmpo ng 31 points, 10 rebounds at 7 assists sa panig ng Milwaukee.
Sa New York, kumamada si Ja Morant ng 36 points sa 118-104 pagpapatumba ng Memphis Grizzlies (24-14) sa Brooklyn Nets (23-12) diretso sa kanilang pang-limang dikit na ratsada.
Sa iba pang laro, pinabagsak ng Philadelphia 76ers ang Houston Rockets, 133-113; lusot ang Washington Wizards sa Charlotte Hornets, 124-121; wagi ang Utah Jazz sa New Orleans Pelicans, 115-104; tinalo ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets, 103-89; at nanalo ang Portland Trail Blazers sa Atlanta Hawks, 136-131.
- Latest